Maligayang Araw ng Kalayaan! Isang buwan magmula ngayon ay ipagdiriwang na ang aking ika-apatnapung taon ng kapanganakan. Madalas akong binabati ng maligayang kaarawan kapag Araw ng Kalayaan na agad ko naman kinokorek ng, "Hulyo 12 ang kaarawan ko, hindi Hunyo 12. Isang buwan pa pagkatapos ng Araw ng Kalayaan".
Hanggang ngayon ay di ko pa din tiyak kung maghahanda ba o hindi. Kasi bilang isang "Event Planner" alam ko ang pagod ng pagsasaayos ng isang malaking handaan. At bilang isang "Event Planner" alangan namang kumuha pa ko ng "Event Planner" para asikasuhin ang aking kaarawan. At dahil magaling naman ako (ehem, ehem, ehem - ang yabang!) sa mga mabilisang paghahanda, meron pa kong humigit-kumulang na dalawampu't limang araw para mag-isip-isip.
Maligayang maligaya ako sa araw na ito sapagkat maagang maagang handog ang ibinigay ng aking mga anak. Si Rafael, Lunes pa lang ay ibinigay na ang kanyang regalo...ang hindi magtopak sa unang araw ng pasukan sa eskwela. Si Julia, naman ay binigyan ako ng damit panglamig, dahil sadya akong lamigin. At si bunsong Juan ay gumuhit ng larawan at binigyan ako ng isa nyang laruan na Gogos.
Tinanong ko sila bakit isang buwan mas maaga e may regalo na sila. Ang sagot ay, "because, Mom, there's school na. We might be very busy and forget to get you something on your 40th birthday".
Nag-umapaw ang aking saya at napag-isip...kailangan ko pa ba ng "party"? Punong-puno na ng kaligayahan ang buhay na ito, ano pa ba ang mahihiling ko? Ang mga anak namin ni John ay sapat ng batayan na ang apatnapung taon ng aking buhay ay tunay namang karapatdapat ipagpasalamat sa Poong Maykapal.
